Photo courtesy of http://www.op.gov.ph.
30 Jun 2010.
His Excellency Jose Ramos Horta,
members of the diplomatic corps,
Vice President Jejomar C. Binay,
Former President Fidel Valdez Ramos,
Former President Joseph Ejercito
Estrada, Senate President Juan Ponce
Enrile and other members of the
Senate, Speaker Prospero Nograles
and other members of the House of
the Representatives, members of the
Supreme Court, special envoys and
members of the diplomatic corps,
local government officials,
distinguished guests, mga minamahal
kong kababayan.
Ang pagtayo ko rito ngayon ay
patunay na kayo ang aking tunay na
lakas. Hindi ko inakala na darating
tayo sa puntong ito, na ako’y
manunumpa sa harap ninyo bilang
inyong Pangulo. Hindi ko pinangarap
maging tagapagtaguyod ng pag-asa at
tagapagmana ng mga suliranin ng
ating bayan.
Ang layunin ko sa buhay ay simple
lang: maging tapat sa aking mga
magulang at sa bayan bilang isang
marangal na anak, mabait na kuya, at
mabuting mamamayan.
Nilabanan ng aking ama ang
diktadurya at ibinuwis niya ang
kanyang buhay para tubusin ang ating
demokrasya. Inalay ng aking ina ang
kanyang buhay upang pangalagaan ang
demokrasyang ito. Ilalaan ko ang
aking buhay para siguraduhin na ang
ating demokrasya ay
kapaki-pakinabang sa bawa’t isa.
Namuhunan na po kami ng dugo at
handang gawin itong muli kung
kakailanganin.
Tanyag man ang aking mga magulang at
ang kanilang mga nagawa, alam ko rin
ang problema ng ordinaryong
mamamayan. Alam nating lahat ang
pakiramdam na magkaroon ng
pamahalaang bulag at bingi. Alam
natin ang pakiramdam na mapagkaitan
ng hustisya, na mabalewala ng mga
taong pinagkatiwalaan at inatasan
nating maging ating tagapagtanggol.
Kayo ba ay minsan ring nalimutan ng
pamahalaang inyong iniluklok sa
pwesto? Ako rin. Kayo ba ay nagtiis
na sa trapiko para lamang masingitan
ng isang naghahari-hariang
de-wangwang sa kalsada? Ako rin.
Kayo ba ay sawang sawa na sa
pamahalaang sa halip na magsilbi sa
taumbayan ay kailangan pa nila itong
pagpasensyahan at tiisin? Ako rin.
Katulad ninyo ako. Marami na sa atin
ang bumoto gamit ang kanilang paa –
nilisan na nila ang ating bansa sa
kanilang paghahanap ng pagbabago at
katahimikan. Tiniis nila ang hirap,
sinugod ang panganib sa ibang bansa
dahil doon may pag-asa kahit kaunti
na rito sa atin ay hindi nila
nakikita. Sa iilang sandali na
sarili ko lang ang aking inaalaala,
pati ako ay napagisip din – talaga
bang hindi na magbabago ang
pamamahala natin dito? Hindi kaya
nasa ibang bansa ang katahimikang
hinahanap ko? Saan ba nakasulat na
kailangang puro pagtitiis ang
tadhana ng Pilipino?
Ngayon, sa araw na ito – dito
magwawakas ang pamumunong manhid sa
mga daing ng taumbayan. Hindi si
Noynoy ang gumawa ng paraan, kayo
ang dahilan kung bakit ngayon,
magtatapos na ang pagtitiis ng
sambayanan. Ito naman po ang umpisa
ng kalbaryo ko, nguni’t kung marami
tayong magpapasan ng krus ay
kakayanin natin ito, gaano man
kabigat.
Sa tulong ng wastong pamamahala sa
mga darating na taon, maiibsan din
ang marami nating problema. Ang
tadhana ng Pilipino ay babalik sa
tamang kalagyan, na sa bawa’t taon
pabawas ng pabawas ang problema ng
Pinoy na nagsusumikap at may
kasiguruhan sila na magiging
tuloy-tuloy na ang pagbuti ng
kanilang sitwasyon.
Kami ay narito para magsilbi at
hindi para maghari. Ang mandato
ninyo sa amin ay pagbabago – isang
malinaw na utos para ayusin ang
gobyerno at lipunan mula sa
pamahalaang iilan lamang ang
nakikinabang tungo sa isang
pamahalaang kabutihan ng mamamayan
ang pinangangalagaan.
Ang mandatong ito ay isa kung saan
kayo at ang inyong pangulo ay
nagkasundo para sa pagbabago – isang
paninindigan na ipinangako ko noong
kampanya at tinanggap ninyo noong
araw ng halalan. Sigaw natin noong
kampanya: ‘Kung walang corrupt,
walang mahirap.’ Hindi lamang ito
pang-slogan o pang-poster – ito ang
mga prinsipyong tinatayuan at
nagsisilbing batayan ng ating
administrasyon.
Ang ating pangunahing tungkulin ay
ang magsikap na maiangat ang bansa
mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng
pagpapairal ng katapatan at mabuting
pamamalakad sa pamahalaan.
Ang unang hakbang ay ang pagkakaroon
ng tuwid at tapat na hanay ng mga
pinuno. Magsisimula ito sa akin.
Sisikapin kong maging isang mabuting
ehemplo. Hinding hindi ko sasayangin
ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa
akin. Sisiguraduhin ko na ganito rin
ang adhikain ng aking Gabinete at ng
mga magiging kasama sa ating
pamahalaan.
Naniniwala akong hindi lahat ng
nagsisilbi sa gobyerno ay corrupt.
Sa katunayan, mas marami sa kanila
ay tapat. Pinili nilang maglingkod
sa gobyerno upang gumawa ng
kabutihan. Ngayon, magkakaroon na
sila ng pagkakataong
magpakitang-gilas. Inaasahan natin
sila sa pagsupil ng korapsyon sa
loob mismo ng burukrasya.
Sa mga itinalaga sa paraang labag sa
batas, ito ang aking babala:
sisimulan natin ang pagbabalik ng
tiwala sa pamamagitan ng pag-usisa
sa mga ‘midnight appointments.’ Sana
ay magsilbi itong babala sa mga nag-iisip
na ipagpatuloy ang baluktot na
kalakarang nakasanayan na ng marami.
Sa mga kapuspalad nating mga
kababayan, ngayon, ang pamahalaan
ang inyong kampeon.
Hindi natin ipagpapaliban ang mga
pangangailangan ng ating mga
estudyante, kaya’t sisikapin nating
punan ang kakulangan sa ating mga
silid-aralan.
Unti-unti din nating babawasan ang
mga kakulangan sa imprastruktura
para sa transportasyon, turismo at
pangangalakal. Mula ngayon, hindi na
pwede ang ‘pwede na’ pagdating sa
mga kalye, tulay at gusali dahil
magiging responsibilidad ng mga
kontratista ang panatilihing nasa
mabuting kalagayan ang mga proyekto
nila.
Bubuhayin natin ang programang
‘emergency employment’ ng dating
Pangulong Corazon Aquino sa
pagtatayo ng mga bagong
imprastruktura na ito. Ito ay
magbibigay ng trabaho sa mga lokal
na komunidad at makakatulong sa
pagpapalago ng kanila at ng ating
buong ekonomiya.
Hindi kami magiging sanhi ng inyong
pasakit at perwisyo. Palalakasin
natin ang koleksyon at pupuksain
natin ang korapsyon sa Kawanihan ng
Rentas Internas at Bureau of Customs
para mapondohan natin ang ating mga
hinahangad para sa lahat, tulad ng:
* de-kalidad na edukasyon, kabilang
ang edukasyong bokasyonal para
makapaghanap ng marangal na trabaho
ang hindi makapag-kolehiyo;
* serbisyong pangkalusugan tulad ng
PhilHealth para sa lahat sa loob ng
tatlong taon;
* tirahan sa loob ng mga ligtas na
komunidad.
Palalakasin at palalaguin natin ang
bilang ng ating kasundaluhan at
kapulisan, hindi para tugunan ang
interes ng mga naghahari-harian,
nguni’t para proteksyunan ang
mamamayan. Itinataya nila ang
kanilang buhay para mayroong
pagkakataon sa katahimikan at
kapayapaan sa sambayanan. Dumoble na
ang populasyong kanilang
binabantayan, nanatili naman sila sa
bilang. Hindi tama na ang
nagmamalasakit ay kinakawawa.
Kung dati ay may fertilizer scam,
ngayon ay may kalinga nang tunay
para sa mga magsasaka. Tutulungan
natin sila sa irigasyon, extension
services, at sa pagbenta ng kanilang
produkto sa pinakamataas na presyong
maaari.
Inaatasan natin ang papasok na
Kalihim Alcala na magtayo ng mga
trading centers kung saan diretso na
ang magsasaka sa mamimili –
lalaktawan na natin ang gitna,
kasama na ang kotong cop. Sa
ganitong paraan, ang dating
napupunta sa gitna ay maari nang
paghatian ng magsasaka at mamimili.
Gagawin nating kaaya-aya sa
negosyante ang ating bansa. We will
cut red tape dramatically and
implement stable economic policies.
We will level the playing field for
investors and make government an
enabler, not a hindrance, to
business. Sa ganitong paraan lamang
natin mapupunuan ang kakulangan ng
trabaho para sa ating mga mamamayan.
Layunin nating paramihin ang trabaho
dito sa ating bansa upang hindi na
kailangan ang mangibang-bansa para
makahanap ng trabaho. Nguni’t habang
ito ay hindi pa natin naaabot,
inaatasan ko ang mga kawani ng DFA,
POEA at ng OWWA, at iba pang mga
kinauukulang ahensya na mas lalo
pang paigtingin ang pagtugon sa mga
hinaing at pangangailangan ng ating
overseas Filipino workers.
Papaigtingin namin ang proseso ng
konsultasyon at pag-uulat sa
taumbayan. Sisikapin naming
isakatuparan ang nakasaad sa ating
Konstitusyon na kinikilala ang
karapatan ng mamamayan na magkaroon
ng kaalaman ukol sa mga pampublikong
alintana.
Binuhay natin ang diwa ng people
power noong kampanya. Ipagpatuloy
natin ito tungo sa tuwid at tapat na
pamamahala. Ang naniniwala sa people
power ay nakatuon sa kapwa at hindi
sa sarili.
Sa mga nang-api sa akin, kaya ko
kayong patawarin at pinapatawad ko
na kayo. Sa mga nang-api sa
sambayanan, wala akong karapatan na
limutin ang inyong mga kasalanan.
To those who are talking about
reconciliation, if they mean that
they would like us to simply forget
about the wrongs that they have
committed in the past, we have this
to say: there can be no
reconciliation without justice. Sa
paglimot ng pagkakasala,
sinisigurado mong mauulit muli ang
mga pagkakasalang ito. Secretary de
Lima, you have your marching orders.
Begin the process of providing true
and complete justice for all.
Ikinagagalak din naming ibahagi sa
inyo ang pagtanggap ni dating Chief
Justice Hilario Davide Jr. sa hamon
ng pagtatag at pamumuno sa isang
Truth Commission na magbibigay linaw
sa maraming kahinahinalang isyu na
hanggang ngayon ay walang kasagutan
at resolusyon.
Ang sinumang nagkamali ay kailangang
humarap sa hustisya. Hindi maaaring
patuloy ang kalakaran ng walang
pananagutan at tuloy na pang-aapi.
My government will be sincere in
dealing with all the peoples of
Mindanao. We are committed to a
peaceful and just settlement of
conflicts, inclusive of the
interests of all – may they be
Lumads, Bangsamoro or Christian.
We shall defeat the enemy by
wielding the tools of justice,
social reform and equitable
governance leading to a better life.
Sa tamang pamamahala gaganda ang
buhay ng lahat, at sa buhay na
maganda, sino pa ang gugustuhing
bumalik sa panahon ng pang-aapi?
Kung kasama ko kayo, maitataguyod
natin ang isang bayan kung saan
pantay-pantay ang pagkakataon, dahil
pantay-pantay nating ginagampanan
ang ating mga pananagutan.
Kamakailan lamang, ang bawa’t isa sa
atin ay nanindigan sa presinto.
Bumoto tayo ayon sa ating karapatan
at konsensya. Hindi tayo umatras sa
tungkulin nating ipaglaban ang
karapatang ito.
Pagkatapos ng bilangan, pinatunayan
ninyo na ang tao ang tunay na lakas
ng bayan.
Ito ang kahalagahan ng ating
demokrasya. Ito ang pundasyon ng
ating pagkakaisa. Nangampanya tayo
para sa pagbabago. Dahil dito,
taas-noo muli ang Pilipino. Tayong
lahat ay kabilang sa isang bansa
kung saan maaari nang mangarap muli.
To our friends and neighbors around
the world, we are ready to take our
place as a reliable member of the
community of nations, a nation
serious about its commitments and
which harmonizes its national
interests with its international
responsibilities.
We will be a predictable and
consistent place for investment, a
nation where everyone will say, ‘it
all works.’
Inaanyayahan ko kayo ngayon na
manumpa sa ating mga sarili, sa
sambayanan, WALANG MAIIWAN.
Walang pangingibang-bayan at
gastusan na walang wastong dahilan.
Walang pagtalikod sa mga salitang
binitawan noong kampanya, ngayon at
hanggang sa mga susunod pang
pagsubok na pagdadaanan sa loob ng
anim na taon.
Walang lamangan, walang padrino, at
walang pagnanakaw. Walang wang-wang,
walang counter-flow, walang tong.
Panahon na upang tayo ay muling
magkawanggawa.
Nandito tayo ngayon dahil sama-sama
tayong nanindigan at nagtiwala na
may pag-asa.
The people who are behind us dared
to dream. Today, the dream starts to
become a reality. Sa inyong mga
nag-isip pa kung tutulong kayo sa
pagpasan ng ating krus, isa lang ang
aking tanong – kung kailan tayo
nanalo, saka pa ba kayo susuko?
Kayo ang boss ko, kaya’t hindi
maaaring hindi ako makinig sa mga
utos ninyo. We will design and
implement an interaction and
feedback mechanism that can
effectively respond to the people’s
needs and aspirations.
Kayo ang nagdala sa akin sa puntong
ito – ang ating mga volunteers –
matanda, bata, celebrity,
ordinaryong tao, na umikot sa
Pilipinas para ikampanya ang
pagbabago; ang aking mga kasambahay,
na nag-asikaso ng lahat ng aking mga
personal na mga pangangailangan; ang
aking pamilya, kaibigan at
katrabaho, na dumamay, nag-alaga at
nagbigay ng suporta sa akin; ang
ating mga abogado, na nagpuyat para
bantayan ang ating mga boto at
siguraduhing mabibilang ang bawa’t
isa; ang aking mga kapartido at
kaalyado na kasama kong nangahas
mangarap; at ang milyun-milyong
Pilipinong nagkaisa, nagtiwala at
hindi nawalan ng pag-asa – nasa inyo
ang taospusong pasasalamat.
Hindi ko makakayang harapin ang
aking mga magulang at kayong mga
nagdala sa akin sa yugto ng buhay
kong ito, kung hindi ko
maisasakatuparan ang aking mga
binitawang salita sa araw na ito.
My parents sought nothing less and
died for nothing less than
democracy, peace and prosperity. I
am blessed by this legacy. I shall
carry the torch forward.
Layunin ko na sa pagbaba ko sa
katungkulan, masasabi ng lahat na
malayo na ang narating natin sa
pagtahak ng tuwid na landas at mas
maganda na ang kinabukasang
ipapamana natin sa susunod na
henerasyon. Samahan ninyo ako sa
pagtatapos ng laban na ito. Tayo na
sa tuwid na landas.
Maraming salamat po at mabuhay ang
sambayanang Pilipino!
Source: Office of the Press
Secretary |