Speaker Feliciano
Belmonte; Senate President Juan
Ponce Enrile; Vice President Jejomar
Binay; Chief Justice Renato Corona;
Former Presidents Fidel Valdez Ramos
and Joseph Ejercito Estrada; members
of the House of Representatives and
the Senate; distinguished members of
the diplomatic corps; my fellow
workers in government;
Mga minamahal kong kababayan: Sa
bawat sandali po ng pamamahala ay
nahaharap tayo sa isang sangandaan.
Sa isang banda po ay ang pagpili
para sa ikabubuti ng taumbayan. Ang
pagtanaw sa interes ng nakakarami;
ang pagkapit sa prinsipyo; at ang
pagiging tapat sa sinumpaan nating
tungkulin bilang lingkod-bayan. Ito
po ang tuwid na daan.
Sa kabilang banda ay ang pag-una sa
pansariling interes. Ang
pagpapaalipin sa pulitikal na
konsiderasyon, at pagsasakripisyo ng
kapakanan ng taumbayan. Ito po ang
baluktot na daan.
Matagal pong naligaw ang pamahalaan
sa daang baluktot. Araw-araw po,
lalong lumilinaw sa akin ang lawak
ng problemang ating namana.
Damang-dama ko ang bigat ng aking
responsibilidad.
Sa unang tatlong linggo ng aming
panunungkulan, marami po kaming
natuklasan. Nais ko pong ipahayag sa
inyo ang iilan lamang sa mga namana
nating suliranin at ang ginagawa
naming hakbang para lutasin ang mga
ito.
Sulyap lamang po ito; hindi pa ito
ang lahat ng problemang haharapin
natin. Inilihim at sadyang iniligaw
ang sambayanan sa totoong kalagayan
ng ating bansa.
Sa unang anim na buwan ng taon, mas
malaki ang ginastos ng gobyerno
kaysa sa pumasok na kita. Lalong
lumaki ang deficit natin, na umakyat
na sa 196.7 billion pesos. Sa target
na kuleksyon, kinapos tayo ng 23.8
billion pesos; ang tinataya namang
gastos, nalagpasan natin ng 45.1
billion pesos.
Ang budget po sa 2010 ay 1.54
trillion pesos. Nasa isandaang
bilyong piso o anim at kalahating
porsyento na lang ng kabuuan ang
malaya nating magagamit para sana
lalabing anim na buwan ng taong ito.
Halos isang porsyento na lang po ng
kabuuang budget ang natitira para sa
bawat buwan.
Saan naman po dinala ang pera?
Naglaan ng dalawang bilyong piso na
Calamity Fund bilang paghahanda para
sa mga kalamidad na hindi pa
nangyayari. Napakaliit na nga po ng
pondong ito, ngunit kapapasok pa
lang natin sa panahon ng baha at
bagyo, 1.4 billion pesos o sitenta
porsyento na ang nagastos.
Sa kabuuan ng 108 million pesos para
sa lalawigan ng Pampanga, 105
million pesos nito ay napunta sa
iisang distrito lamang. Samantala,
ang lalawigan ng Pangasinan na
sinalanta ng Pepeng ay nakatanggap
ng limang milyong piso lamang para
sa pinsalang idinulot ng bagyong
Cosme, na nangyari noong 2008 pa.
Ibinigay po ang pondo ng Pampanga sa
buwan ng eleksyon, pitong buwan
pagkatapos ng Ondoy at Pepeng. Paano
kung bumagyo bukas? Inubos na ang
pondo nito para sa bagyong nangyari
noong isang taon pa. Pagbabayaran ng
kinabukasan ang kasakiman ng
nakaraan.
Ganyan din po ang nangyari sa pondo
ng MWSS. Kamakailan lamang, pumipila
ang mga tao para lang makakuha ng
tubig. Sa kabila nito, minabuti pa
ng liderato ng MWSS na magbigay ng
gantimpala sa sarili kahit hindi pa
nababayaran ang pensyon ng mga
retiradong empleyado.
Noong 2009, ang buong payroll ng
MWSS ay 51.4 million pesos. Pero
hindi lang naman po ito ang sahod
nila; may mga additional allowances
at benefits pa sila na aabot sa
160.1 million pesos. Sa madaling
sabi, nakatanggap sila ng 211.5
million pesos noong nakaraang taon.
Beinte-kuwatro porsyento lang nito
ang normal na sahod, at sitenta’y
sais porsyento ang dagdag.
Ang karaniwang manggagawa hanggang
13th month pay plus cash gift lang
ang nakukuha. Sa MWSS, aabot sa
katumbas ng mahigit sa tatlumpung
buwan ang sahod kasama na ang lahat
ng mga bonuses at allowances na
nakuha nila.
Mas matindi po ang natuklasan natin
sa pasahod ng kanilang Board of
Trustees. Tingnan po natin ang mga
allowances na tinatanggap nila:
Umupo ka lang sa Board of Trustees
at Board Committee meeting, katorse
mil na. Aabot ng nobenta’y otso mil
ito kada buwan. May grocery
incentive pa sila na otsenta mil
kada taon.
Hindi lang iyon: may mid-year bonus,
productivity bonus, anniversary
bonus, year-end bonus, at Financial
Assistance. May Christmas bonus na,
may Additional Christmas Package pa.
Kada isa sa mga ito, nobenta’y otso
mil.
Sa suma total po, aabot ang lahat ng
dalawa’t kalahating milyong piso
kada taon sa bawat miyembro ng Board
maliban sa pakotse, technical
assistance, at pautang. Uulitin ko
po. Lahat ng ito ay ibinibigay nila
sa kanilang mga sarili habang hindi
pa nababayaran ang mga pensyon ng
kanilang mga retirees.
Pati po ang La Mesa Watershed ay
hindi nila pinatawad. Para magkaroon
ng tamang supply ng tubig,
kailangang alagaan ang mga
watershed. Sa watershed, puno ang
kailangan. Pati po iyon na dapat
puno ang nakatayo, tinayuan nila ng
bahay para sa matataas na opisyal ng
MWSS.
Hindi naman sila agad maaalis sa
puwesto dahil kabilang sila sa mga
Midnight Appointees ni dating
Pangulong Arroyo. Iniimbestigahan na
natin ang lahat nang ito. Kung
mayroon pa silang kahit kaunting
hiya na natitira – sana kusa na lang
silang magbitiw sa puwesto.
Pag-usapan naman po natin ang pondo
para sa imprastruktura. Tumukoy ang
DPWH ng dalawandaan apatnapu’t anim
na priority safety projects na
popondohan ng Motor Vehicle Users
Charge. Mangangailangan po ito ng
budget na 425 million pesos.
Ang pinondohan po, dalawampu’t
walong proyekto lang. Kinalimutan po
ang dalawandaan at labing walong
proyekto at pinalitan ng pitumpung
proyekto na wala naman sa plano. Ang
hininging 425 million pesos, naging
480 million pesos pa, lumaki lalo
dahil sa mga proyektong sa
piling-piling mga benepisyaryo lang
napunta.
Mga proyekto po itong walang saysay,
hindi pinag-aralan at hindi
pinaghandaan, kaya parang kabuteng
sumusulpot.
Tapos na po ang panahon para dito.
Sa administrasyon po natin, walang
kota-kota, walang tongpats, ang pera
ng taumbayan ay gagastusin para sa
taumbayan lamang.
Meron pa po tayong natuklasan.
Limang araw bago matapos ang termino
ng nakaraang administrasyon,
nagpautos silang maglabas ng 3.5
billion pesos para sa rehabilitasyon
ng mga nasalanta nina Ondoy at
Pepeng.
Walumpu’t anim na proyekto ang
paglalaanan dapat nito na hindi na
sana idadaan sa public bidding.
Labingsiyam sa mga ito na
nagkakahalaga ng 981 million pesos
ang muntik nang makalusot. Hindi pa
nailalabas ang Special Allotment
Release Order ay pirmado na ang mga
kontrata.
Buti na lang po ay natuklasan at
pinigilan ito ni Secretary Rogelio
Singson ng DPWH. Ngayon po ay dadaan
na ang kabuuan ng 3.5 billion pesos
sa tapat na bidding, at magagamit na
ang pondo na ito sa pagbibigay ng
lingap sa mga nawalan ng tahanan
dahil kina Ondoy at Pepeng.
Pag-usapan naman natin ang nangyari
sa NAPOCOR. Noong 2001 hanggang
2004, pinilit ng gobyerno ang
NAPOCOR na magbenta ng kuryente nang
palugi para hindi tumaas ang presyo.
Tila ang dahilan: pinaghahandaan na
nila ang eleksyon.
Dahil dito, noong 2004, sumagad ang
pagkakabaon sa utang ng NAPOCOR.
Napilitan ang pambansang gobyerno na
sagutin ang dalawandaang bilyong
pisong utang nito.
Ang inakala ng taumbayan na natipid
nila sa kuryente ay binabayaran din
natin mula sa kaban ng bayan. May
gastos na tayo sa kuryente,
binabayaran pa natin ang dagdag na
pagkakautang ng gobyerno.
Kung naging matino ang pag-utang,
sana’y nadagdagan ang ating
kasiguruhan sa supply ng kuryente.
Pero ang desisyon ay ibinatay sa
maling pulitika, at hindi sa
pangangailangan ng taumbayan. Ang
taumbayan, matapos pinagsakripisyo
ay lalo pang pinahirapan.
Ganito rin po ang nangyari sa MRT.
Sinubukan na namang bilhin ang ating
pagmamahal. Pinilit ang operator na
panatilihing mababa ang pamasahe.
Hindi tuloy nagampanan ang
garantiyang ibinigay sa operator na
mababawi nila ang kanilang puhunan.
Dahil dito, inutusan ang Landbank at
Development Bank of the Philippines
na bilhin ang MRT.
Ang pera ng taumbayan, ipinagpalit
sa isang naluluging operasyon.
Dumako naman po tayo sa pondo ng NFA.
Noong 2004: 117,000 metric tons ang
pagkukulang ng supply ng Pilipinas.
Ang binili nila, 900,000 metric
tons. Kahit ulitin mo pa ng mahigit
pitong beses ang pagkukulang, sobra
pa rin ang binili nila.
Noong 2007: 589,000 metric tons ang
pagkukulang ng supply sa Pilipinas.
Ang binili nila, 1.827 million
metric tons. Kahit ulitin mo pa ng
mahigit tatlong beses ang
pagkukulang, sobra na naman ang
binili nila.
Ang masakit nito, dahil sobra-sobra
ang binibili nila taun-taon,
nabubulok lang pala sa mga kamalig
ang bigas, kagaya ng nangyari noong
2008.
Hindi po ba krimen ito, na
hinahayaan nilang mabulok ang bigas,
sa kabila ng apat na milyong
Pilipinong hindi kumakain ng tatlong
beses sa isang araw?
Ang resulta nito, umabot na sa 171.6
billion pesos ang utang ng NFA noong
Mayo ng taong ito.
Ang tinapon na ito, halos puwede na
sanang pondohan ang mga sumusunod:
Ang budget ng buong Hudikatura, na
12.7 billion pesos sa taong ito.
Ang Conditional Cash Transfers para
sa susunod na taon, na nagkakahalaga
ng 29.6 billion pesos.
Ang lahat ng classroom na kailangan
ng ating bansa, na nagkakahalaga ng
130 billion pesos.
Kasuklam-suklam ang kalakarang ito.
Pera na, naging bato pa.
Narinig po ninyo kung paano nilustay
ang kaban ng bayan. Ang malinaw po
sa ngayon: ang anumang pagbabago ay
magmumula sa pagsiguro natin na
magwawakas na ang pagiging maluho at
pagwawaldas.
Kaya nga po mula ngayon: ititigil na
natin ang paglulustay sa salapi ng
bayan. Tatanggalin natin ang mga
proyektong mali.
Ito po ang punto ng tinatawag nating
zero-based approach sa ating budget.
Ang naging kalakaran po, taun-taon
ay inuulit lamang ang budget na puno
ng tagas. Dadagdagan lang nang konti,
puwede na.
Sa susunod na buwan ay maghahain
tayo ng budget na kumikilala nang
tama sa mga problema, at magtutuon
din ng pansin sa tamang solusyon.
Ilan lang ito sa mga natuklasan
nating problema. Heto naman po ang
ilang halimbawa ng mga hakbang na
ginagawa natin.
Nandiyan po ang kaso ng isang may-ari
ng sanglaan. Bumili siya ng
sasakyang tinatayang nasa
dalawampu’t anim na milyong piso ang
halaga.
Kung kaya mong bumili ng
Lamborghini, bakit hindi mo kayang
magbayad ng buwis?
Nasampahan na po ito ng kaso. Sa
pangunguna nina Finance Secretary
Cesar Purisima, Justice Secretary
Leila de Lima, BIR Commissioner Kim
Henares at Customs Commissioner Lito
Alvarez, bawat linggo po ay may bago
tayong kasong isinasampa kontra sa
mga smuggler at sa mga hindi
nagbabayad ng tamang buwis.
Natukoy na rin po ang salarin sa mga
kaso nina Francisco Baldomero, Jose
Daguio at Miguel Belen, tatlo sa
anim na insidente ng extralegal
killings mula nang umupo tayo.
Singkuwenta porsyento po ng mga
insidente ng extralegal killings ang
patungo na sa kanilang resolusyon.
Ang natitira pong kalahati ay hindi
natin tatantanan ang pag-usig
hanggang makamit ang katarungan.
Pananagutin natin ang mga
mamamatay-tao. Pananagutin din natin
ang mga corrupt sa gobyerno.
Nagsimula nang mabuo ang ating Truth
Commission, sa pangunguna ni dating
Chief Justice Hilario Davide.
Hahanapin natin ang katotohanan sa
mga nangyari diumanong katiwalian
noong nakaraang siyam na taon.
Sa loob ng linggong ito, pipirmahan
ko ang kauna-unahang Executive Order
na nagtatalaga sa pagbuo nitong
Truth Commission.
Kung ang sagot sa kawalan ng
katarungan ay pananagutan, ang sagot
naman sa kakulangan natin sa pondo
ay mga makabago at malikhaing paraan
para tugunan ang mga
pagkatagal-tagal nang problema.
Napakarami po ng ating
pangangailangan: mula sa edukasyon,
imprastruktura, pangkalusugan,
pangangailangan ng militar at
kapulisan, at marami pang iba. Hindi
kakasya ang pondo para mapunan ang
lahat ng ito.
Kahit gaano po kalaki ang kakulangan
para mapunan ang mga listahan ng
ating pangangailangan, ganado pa rin
ako dahil marami nang nagpakita ng
panibagong interes at kumpyansa sa
Pilipinas.
Ito ang magiging solusyon: mga
Public-Private Partnerships. Kahit
wala pa pong pirmahang nangyayari
dito, masasabi kong maganda ang
magiging bunga ng maraming usapin
ukol dito.
May mga nagpakita na po ng interes,
gustong magtayo ng expressway na
mula Maynila, tatahak ng Bulacan,
Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, hanggang
sa dulo ng Cagayan Valley nang hindi
gugugol ang estado kahit na po piso.
Sa larangan ng ating Sandatahang
Lakas:
Mayroon po tayong 36,000 nautical
miles ng baybayin. Ang mayroon
lamang tayo: tatlumpu’t dalawang
barko. Itong mga barkong ito,
panahon pa ni MacArthur.
May nagmungkahi sa atin, ito ang
proposisyon: uupahan po nila ang
headquarters ng Navy sa Roxas
Boulevard at ang Naval Station sa
Fort Bonifacio.
Sagot po nila ang paglipat ng Navy
Headquarters sa Camp Aguinaldo.
Agaran, bibigyan tayo ng isandaang
milyong dolyar. At dagdag pa sa
lahat nang iyan, magsusubi pa sila
sa atin ng kita mula sa mga
negosyong itatayo nila sa uupahan
nilang lupa.
Sa madali pong sabi: Makukuha natin
ang kailangan natin, hindi tatayo
gagastos, kikita pa tayo.
Marami na pong nag-alok at
nagmungkahi sa atin, mula lokal
hanggang dayuhang negosyante, na
magpuno ng iba’t ibang
pangangailangan.
Mula sa mga public-private
partnerships na ito, lalago ang
ating ekonomiya, at bawat Pilipino
makikinabang. Napakaraming sektor na
matutulungan nito.
Maipapatayo na po ang
imprastrukturang kailangan natin
para palaguin ang turismo.
Sa agrikultura, makapagtatayo na
tayo ng mga grains terminals,
refrigeration facilities, maayos na
road networks at post-harvest
facilities.
Kung maisasaayos natin ang ating
food supply chain sa tulong ng
pribadong sektor, sa halip na
mag-angkat tayo ay maari na sana
tayong mangarap na mag-supply sa
pandaigdigang merkado.
Kung maitatayo ang minumungkahi sa
ating railway system, bababa ang
presyo ng bilihin. Mas mura, mas
mabilis, mas maginhawa, at
makakaiwas pa sa kotong cops at mga
kumokotong na rebelde ang mga
bumibiyahe.
Paalala lang po: una sa ating
plataporma ang paglikha ng mga
trabaho, at nanggagaling ang trabaho
sa paglago ng industriya. Lalago
lamang ang industriya kung gagawin
nating mas malinis, mas mabilis, at
mas maginhawa ang proseso para sa
mga gustong magnegosyo.
Pabibilisin natin ang proseso ng mga
proyektong sumasailalim sa
Build-Operate-Transfer. Sa tulong ng
lahat ng sangay ng gobyerno at ng
mga mamamayan, pabababain natin sa
anim na buwan ang proseso na noon ay
inaabot ng taon kung hindi dekada.
May mga hakbang na rin pong
sinisimulan ang DTI, sa pamumuno ni
Secretary Gregory Domingo:
Ang walang-katapusang pabalik-balik
sa proseso ng pagrehistro ng
pangalan ng kumpanya, na kada dalaw
ay umaabot ng apat hanggang walong
oras, ibababa na natin sa
labinlimang minuto.
Ang dating listahan ng tatlumpu’t
anim na dokumento, ibababa natin sa
anim. Ang dating walong pahinang
application form, ibababa natin sa
isang pahina.
Nananawagan ako sa ating mga LGUs.
Habang naghahanap tayo ng paraan
para gawing mas mabilis ang
pagbubukas ng mga negosyo,
pag-aralan din sana nila ang
kanilang mga proseso. Kailangan
itong gawing mas mabilis, at
kailangan itong itugma sa mga
sinisumulan nating reporma.
Negosyante, sundalo, rebelde, at
karaniwang Pilipino, lahat po
makikinabang dito. Basta po hindi
dehado ang Pilipino, papasukin po
natin lahat iyan. Kailangan na po
nating simulan ang pagtutulungan
para makamit ito. Huwag nating
pahirapan ang isa’t isa.
Parating na po ang panahon na hindi
na natin kailangang mamili sa
pagitan ng seguridad ng ating
mamamayan o sa kinabukasan ng inyong
mga anak.
Oras na maipatupad ang
public-private partnerships na ito,
mapopondohan ang mga serbisyong
panlipunan, alinsunod sa ating
plataporma.
Magkakapondo na po para maipatupad
ang mga plano natin sa edukasyon.
Mapapalawak natin ang basic
education cycle mula sa napakaikling
sampung taon tungo sa global
standard na labindalawang taon.
Madadagdagan natin ang mga
classroom. Mapopondohan natin ang
service contracting sa ilalim ng
GASTPE.
Pati ang conditional cash transfers,
na magbabawas ng pabigat sa bulsa ng
mga pamilya, madadagdan na rin ng
pondo.
Maipapatupad ang plano natin sa
PhilHealth.
Una, tutukuyin natin ang tunay na
bilang ng mga nangangailangan nito.
Sa ngayon, hindi magkakatugma ang
datos. Sabi ng PhilHealth sa isang
bibig, walumpu’t pitong porsyento na
raw ang merong coverage. Sa kabilang
bibig naman, singkuwenta’y tres
porsyento naman. Ayon naman sa
National Statistics Office,
tatlumpu’t walong porsyento ang may
coverage.
Ngayon pa lang, kumikilos na si
Secretary Dinky Soliman at ang DSWD
upang ipatupad ang National
Household Targetting System, na
magtutukoy sa mga pamilyang higit na
nagangailangan ng tulong. Tinatayang
siyam na bilyon ang kailangan para
mabigyan ng PhilHealth ang limang
milyong pinakamaralitang pamilyang
Pilipino.
Napakaganda po ng hinaharap natin.
Kasama na po natin ang pribadong
sektor, at kasama na rin natin ang
League of Provinces, sa pangunguna
nina Governor Alfonso Umali kasama
sina Governor L-Ray Villafuerte at
Governor Icot Petilla. Handa na pong
makipagtulungan para makibahagi sa
pagtustos ng mga gastusin. Alam ko
rin pong hindi magpapahuli ang
League of Cities sa pangunguna ni
Mayor Oscar Rodriguez.
Kung ang mga gobyernong lokal ay
nakikiramay na sa ating mga
adhikain, ang Kongreso namang
pinanggalingan ko, siguro naman
maasahan ko din.
Nagpakitang-gilas na po ang gabinete
sa pagtukoy ng ating mga problema at
sa paglulunsad ng mga solusyon sa
loob lamang ng tatlong linggo.
Nang bagyo pong Basyang, ang sabi sa
atin ng mga may prangkisa sa
kuryente, apat na araw na walang
kuryente. Dahil sa mabilis na
pagkilos ni Secretary Rene Almendras
at ng Department of Energy, naibalik
ang kuryente sa halos lahat sa loob
lamang ng beinte-kwatro oras.
Ito pong sinasabing kakulangan sa
tubig sa Metro Manila, kinilusan
agad ni Secretary Rogelio Singson at
ng DPWH. Hindi na siya naghintay ng
utos, kaya nabawasan ang perwisyo.
Nakita na rin natin ang gilas ng mga
hinirang nating makatulong sa
Gabinete. Makatuwiran naman po
sigurong umasa na hindi na sila
padadaanin sa butas ng karayom para
makumpirma ng Commission on
Appointments. Kung mangyayari po
ito, marami pa sa mga mahuhusay na
Pilipino ang maeengganyong magsilbi
sa gobyerno.
Sa lalong madaling panahon po, uupo
na tayo sa LEDAC at pag-uusapan ang
mga mahahalagang batas na kailangan
nating ipasa. Makakaasa kayo na
mananatiling bukas ang aking isipan,
at ang ating ugnayan ay mananatiling
tapat.
Isinusulong po natin ang Fiscal
Responsibility Bill, kung saan hindi
tayo magpapasa ng batas na
mangangailangan ng pondo kung hindi
pa natukoy ang panggagalingan nito.
May 104.1 billion pesos tayong
kailangan para pondohan ang mga
batas na naipasa na, ngunit hindi
maipatupad.
Kailangan din nating isaayos ang mga
insentibong piskal na ibinigay noong
nakaraan. Ngayong naghihigpit tayo
ng sinturon, kailangang balikan kung
alin sa mga ito ang dapat manatili
at kung ano ang dapat nang itigil.
Huwag po tayong pumayag na magkaroon
ng isa pang NBN-ZTE. Sa lokal man o
dayuhan manggagaling ang pondo,
dapat dumaan ito sa tamang proseso.
Hinihingi ko po ang tulong ninyo
upang amiyendahan ang ating
Procurement Law.
Ayon po sa Saligang Batas, tungkulin
ng estado ang siguruhing walang
lamangan sa merkado. Bawal ang
monopolya, bawal ang mga cartel na
sasakal sa kumpetisyon. Kailangan po
natin ng isang Anti-Trust Law na
magbibigay-buhay sa mga prinsipyong
ito. Ito ang magbibigay ng
pagkakataon sa mga Small- at
Medium-scale Enterprises na
makilahok at tumulong sa paglago ng
ating ekonomiya.
Ipasa na po natin ang National Land
Use Bill.
Una rin pong naging batas ng
Commonwealth ang National Defense
Act, na ipinasa noon pang 1935.
Kailangan nang palitan ito ng batas
na tutugon sa pangangailangan ng
pambansang seguridad sa kasalukuyan.
Nakikiusap po akong isulong ang
Whistleblower’s Bill upang patuloy
nang iwaksi ang kultura ng takot at
pananahimik.
Palalakasin pa lalo ang Witness
Protection Program. Alalahanin po
natin na noong taong 2009 hanggang
2010, may nahatulan sa 95% ng mga
kaso kung saan may witness na
sumailalim sa programang ito.
Kailangang repasuhin ang ating mga
batas. Nanawagan po akong umpisahan
na ang rekodipikasyon ng ating mga
batas, upang siguruhing magkakatugma
sila at hindi salu-salungat.
Ito pong mga batas na ito ang
batayan ng kaayusan, ngunit ang
pundasyon ng lahat ng ginagawa natin
ay ang prinsipyong wala tayong
mararating kung walang kapayapaan at
katahimikan.
Dalawa ang hinaharap nating
suliranin sa usapin ng kapayapaan:
ang situwasyon sa Mindanao, at ang
patuloy na pag-aaklas ng
CPP-NPA-NDF.
Tungkol sa situwasyon sa Mindanao:
Hindi po nagbabago ang ating
pananaw. Mararating lamang ang
kapayapaan at katahimikan kung
mag-uusap ang lahat ng apektado:
Moro, Lumad, at Kristiyano. Inatasan
na natin si Dean Marvic Leonen na
mangasiwa sa ginagawa nating
pakikipag-usap sa MILF.
Iiwasan natin ang mga pagkakamaling
nangyari sa nakaraang
administrasyon, kung saan binulaga
na lang ang mga mamamayan ng
Mindanao. Hindi tayo puwedeng
magbulag-bulagan sa mga dudang may
kulay ng pulitika ang proseso, at
hindi ang kapakanan ng taumbayan ang
tanging interes.
Kinikilala natin ang mga hakbang na
ginagawa ng MILF sa pamamagitan ng
pagdidisplina sa kanilang hanay.
Inaasahan natin na muling
magsisimula ang negosasyon
pagkatapos ng Ramadan.
Tungkol naman po sa CPP-NPA-NDF:
handa na ba kayong maglaan ng
kongkretong mungkahi, sa halip na
pawang batikos lamang?
Kung kapayapaan din ang hangad
ninyo, handa po kami sa malawakang
tigil-putukan. Mag-usap tayo.
Mahirap magsimula ang usapan habang
mayroon pang amoy ng pulbura sa
hangin. Nananawagan ako: huwag po
natin hayaang masayang ang
napakagandang pagkakataong ito upang
magtipon sa ilalim ng iisang
adhikain.
Kapayapaan at katahimikan po ang
pundasyon ng kaunlaran. Habang
nagpapatuloy ang barilan, patuloy
din ang pagkakagapos natin sa
kahirapan.
Dapat din po nating mabatid: ito ay
panahon ng sakripisyo. At ang
sakripisyong ito ay magiging puhunan
para sa ating kinabukasan. Kaakibat
ng ating mga karapatan at kalayaan
ay ang tungkulin natin sa kapwa at
sa bayan.
Inaasahan ko po ang ating mga
kaibigan sa media, lalo na sa radyo
at sa print, sa mga nagbablock-time,
at sa community newspapers, kayo na
po mismo ang magbantay sa inyong
hanay.
Mabigyang-buhay sana ang mga
batayang prinsipyo ng inyong
bokasyon: ang magbigay-linaw sa
mahahalagang isyu; ang maging patas
at makatotohanan, at ang itaas ang
antas ng pampublikong diskurso.
Tungkulin po ng bawat Pilipino na
tutukan ang mga pinunong tayo rin
naman ang nagluklok sa puwesto.
Humakbang mula sa pakikialam tungo
sa pakikilahok. Dahil ang
nakikialam, walang-hanggan ang
reklamo. Ang nakikilahok,
nakikibahagi sa solusyon.
Napakatagal na pong namamayani ang
pananaw na ang susi sa asenso ay ang
intindihin ang sarili kaysa
intindihin ang kapwa. Malinaw po sa
akin: paano tayo aasenso habang
nilalamangan ang kapwa?
Ang hindi nabigyan ng pagkakataong
mag-aral, paanong makakakuha ng
trabaho? Kung walang trabaho,
paanong magiging konsumer? Paanong
mag-iimpok sa bangko?
Ngunit kung babaliktarin natin ang
pananaw—kung iisipin nating
“Dadagdagan ko ang kakayahan ng
aking kapwa”—magbubunga po ito, at
ang lahat ay magkakaroon ng
pagkakataon.
Maganda na po ang nasimulan natin.
At mas lalong maganda po ang
mararating natin. Ngunit huwag
nating kalimutan na mayroong mga
nagnanasang hindi tayo magtagumpay.
Dahil kapag hindi tayo nagtagumpay,
makakabalik na naman sila sa
kapangyarihan, at sa pagsasamantala
sa taumbayan.
Akin pong paniwala na Diyos at
taumbayan ang nagdala sa ating
kinalalagyan ngayon. Habang
nakatutok tayo sa kapakanan ng ating
kapwa, bendisyon at patnubay ay
tiyak na maaasahan natin sa Poong
Maykapal. At kapag nanalig tayo na
ang kasangga natin ay ang Diyos,
mayroon ba tayong hindi kakayanin?
Ang mandato nating
nakuha sa huling eleksyon ay patunay
na umaasa pa rin ang Pilipino sa
pagbabago. Iba na talaga ang
situwasyon. Puwede na muling
mangarap. Tayo nang tumungo sa
katuparan ng ating mga pinangarap.
Maraming salamat po.